Monday, June 13, 2011

Words of Gratitude

Isang magandang hapon sa ating lahat. Ako po ay pinalad na maging kinatawan ng ating paaralan sa isang paligsahan ng pagtatalumpati sa Filipino, kaya hayaan nyong gamitin ko ang wikang ito sa pagbabahagi ng aking pasasalamat.

Sa ating Mahal na Presidente Gng. Ma. Josefa Halili, Panauhing Pandangal Doktora Virginia Akiate, Administrador Ginang Mary Grace Buenaventura, Punong Pang-Akademiko Ginoong Rey Buenaventura II, mga Dekano ng bawat kolehiyo , mga guro, mga magulang, mga Panauhin,at kapwa ko mag-sisitapos, isang magandang araw po.



Salamat sa Panginoon isang araw na naman ang ipinagkaloob Niya sa atin. Ngunit ang araw na ito ay naiiba sa lahat, araw na pinapangarap ng bawat estudyante at araw na inaasam ng mga magulang. Ngayon, sabay-sabay nating mamarkahan ang ika-28 ng Abril taong 2011, kung saan tatangapin natin ang isang mahalagang bagay, isang papel ngunit mahalaga, susi para sa panibagong mundo… ang ating diploma.

Sa edad na labing-pito, hindi ko lubos maisip na magtatapos ako ng kolehiyo , bagamat husto na ako sa gulang tingnan, mura pa ang aking isipan. Marami pa akong dapat matutunan sa iba’t ibang aspeto at aral ng buhay, alam kong malawak pang karunungan ang makakamit natin sa labas ng paaralan.

Habang ginagawa ko ang aking talumpati ng pasasalamat, ang aking mga alaala sa dalawang taong pananatili sa STI ay nag-balik, ang mga panahong halos walang tulog kapag exam, pagmamadali sa mga proyekto at takdang-aralin dahil limitado ang oras, takot at kaba sa tuwing magbibigayan ng class cards, pag-iyak kapag mababa ang grado at panghihinayang na sana’y ginalingan ko upang makatanggap ng mataas o mas mataas pang grado. Naniniwala ako na ang bawat isa sa atin ay naranasan ito. Ang katotohanang nalagpasan natin ang lahat ng pagsubok sa kolehiyo ay nagpapatunay lamang na tayo ay mahusay at karapat-dapat magtapos.
Kaya’t bago ko lisanin ang paaralang ito, nais ko sanang ipaabot ang aking lubos na pasasalamat sa mga taong nasa likod ng aking tagumpay.



Una sa lahat ang Panginoon, Siya at wala nang iba pa ang may gawa ng lahat ng ito. Maraming salamat sa lahat, sa pagbibigay Mo sa amin ng makulay na paglalakbay sa kolehiyo, pagbibigay Mo sa amin ng oportunidad na makamit ang aming mga pangarap, at pagbibigay Mo sa amin sa lahat ng mga bagay na aming pinasasalamatan. Anuman ang nangyayari, lagi Kang nariyan, ‘Di pa man kami tumatawag sa Iyo, may nakahanda Ka nang plano para sa amin’.

Pangalawa, sa aking pamilya, lalo na sa aking mga magulang - kayo ang mga pinakamahahalagang tao sa aking buhay. Maraming salamat po sa lahat – sa aking buhay, baon, sa mga gabay at pag-aalala. Hindi ko man naabot lahat ng kagustuhan nyo para sa akin, Inaasahan ko sa pagkakataong ito ay proud kayo para sa akin, dahil proud ako sa inyo.. sa mga bagay na nagagawa niyo na hindi niyo karaniwang ginagawa, tulad ng pangungutang ng pera para lamang may maibaon kami … kayo na nagluluto sa amin para lamang di kami pumasok ng gutom at walang laman ang tiyan. Kayo na nagiging mas problemado kaysa sa amin. Ang laki na talaga ng utang namin sa inyo… Isa na sigurong kabayaran ang diplomang aming tatanggapin.. Para ito sa inyo.

Salamat rin po sa aming mga masisipag na guro. Salamat sa pag-aalay ng inyong oras para turuan kami araw-araw. Pati sa gabi ay nagpupuyat para lamang magawa ang aming mga marka. Kayo ang nagsilbi  na naming pangalawang ina o ama, o maging ate, kuya at kaibigan. Kayo ang sanhi ng aming karunungan , gagawin namin ang lahat para maipagmalaki ninyo kami.

Nais ko sanang kunin ang opurtunidad na ito para pasalamatan ang lahat ng naging Professors ko, sa I.T. , mula kina Sir Mark Alejandria, Sir Tony, Mam Digi - Maraming salamat po sa tiwala, sa pagiging responsableng tagapayo – sa tuwing humihingi ako ng tulong Ma’am lagi kayong nandyan – hinding hindi ko po kayo makakalimutan, Mam Sazon, Sir Toffer, Mam Tejada,, sa mga G.E. Professors Mam Menchie – Maraming Salamat sa dalawang taong hindi pagsasawa na turuan ako sa subject na Communication Arts, Mam Ycong, Mam Glenda, Sir Cris - Salamat po sa mga karunungan, mga Trivia, Maraming salamat sa pagiging mahusay na tagasanay , Mam Ditas - Salamat sa mga payo at pagsasanay sa BULPRISA, sa lungkot at saya lagi kang nariyan,, sa ating Guidance Counselor, Mam Ana, Maraming salamat po sa mga karunungan ibinahagi nyo po sa akin, sa ating katiwala sa silid-aklatan na laging nakangiti na si Mam Rhiza - Salamat po sa mga libro at kwentuhan, sa mga staff, kila Mam Grace Anne Bautista, Sir Mark Balais, Mam Kaye, Mam Wanda, Mam Belle, Mam Jonna, at Sir Melo, Maraming salamat po sa inyong lahat.

Hindi rin namin malilimutan ang mga kapwa namin estudyante. Sila na nakasama namin sa kasayahan, sa kalungkutan. Mga kamag-aral na sa paglipas ng taon ay naging mga kaibigan na lagi lamang nariyan para samahan kami sa lahat ng oras na aming kailangan.
Gusto kong ibigay ang aking lubos na pasasalamat sa aking pangkat na kinabibilangan ang pangkat IT402P.Salamat sa pagtitiwala sa akin. Salamat sa mga alaalang hindi kayang tumbasan ng anu mang halaga. Salamat sa mga araw na hindi tayo nag iiwanan. Dahil sa inyo, napatunayan ko na uso pa pala ang bayanihan sa bayan ni Juan .. Kina Michelle, Gliezl, Jenevy, Erano, George, Alma, Josa, Edward, Adriel, Thea,sa lahat ng kamag-aral ko .. sa buong DIT at sa mga taong sa labas na ng klase ko nakilala tulad na lamang nila Kisha, Lester, Ping, Kuya Dario, Rhea, Maraming salamat din.

Nakalulungkot mang isipin na iiwanan na natin sila, kailangan natin itong tanggapin at sa halip ay maging maligaya. Hindi ba’t nakatutuwang isiping tapos na ang mga gabing magpupuyat ka at sa mga oras na nagagahol dahil sa pagtapos ng isang proyekto. Tapos na ang panahong magpupuyat ka sa bahay ng iba para matapos ang isang system o website. Lilisanin na namin ang lahat ng ito. Ang araw na ito ang simula para sa isang bagong mundo. Mundong higit na malawak at maaaring mas magulo. Kaya sa lahat ng tumulong sa amin, ”Salamat”. Sa lahat ng aming iiwanan, “Paalam, sa muli nating pagkikita”. At sa mga kapwa ko aalis, “Sabay-sabay nating tahakin ang panibagong mundo. Nawa ay magtagumpay tayong lahat”.


Hanggang sa muli, magandang araw po sa lahat.